NAGA CITY – Kumpiskado sa isang suspek ang mahigit Php 4-M halaga ng pinaniniwalaang shabu sa ikinasang buy bust Operation ng mga awtoridad sa Naga City.

Kinilala ang suspek na si alyas Jake, 42 taong gulang at residente ng Tambo, Pamplona, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na dakong alas-8:15 ng gabi nitong Martes, Enero 14, isinagawa ang Joint operatives ng Police Station 2 Intel Operatives (lead unit) na pinangunahan ni PMAJ JUVY D LLUNAR, Station Commander kasama ang PS6 SDEU, CPDEU, CIU NCPO, and PDEA NAGA sa pakikipag-ugnayan sa PDEA ROV, para sa isang Anti-Illegal Drugs (Buy-bust) Operation sa Diversion Road, Brgy. Concepcion Pequeña, sa nasabing lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto sa nasabing suspek.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nakabili sa suspek ang poseur buyer ng isang piraso ng ziplock transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu gamit ang P500 bilang buy bust money, na naging dahilan upang agad na arestuhin ang suspek.

Sa isinagawang body search sa suspek, nakumpiska pa ang 10 piraso ng ziplock transparent plastic sachets na naglalaman ng iligal na droga, at tatlong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng sealed snacks food.

Sa kabuuan, mayroong bigat na 600 grams ang mga nakumpiskang items at nagkakahalaga ng PhP 4,080,000.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang kaparusahan.