NAGA CITY – Umabot na sa mahigit P48.2-M ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa rehiyong Bicol matapos ang naging pananalasa ni Bagyong Amang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lovella Guarin, tagapagsalita ng Department of Agriculture (DA)-Bicol, sinabi nito na ang nasabing datos ay batay na rin sa isinagawang inisyal damage report.
Aniya, sa rice sektor sa lalawigan ng Camarines Sur, umabot sa P8,067,944 ang pinsala kung saan 1,221 na mga magsasaka at 1,017 hectares ang naapektuhan.
Maliban pa rito, umabot din sa P15,227,967 ang naging pinsala sa sektor ng mais sa kabuuang 232 hectares sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur at Albay.
Dagdag pa ni Guarin, sa high value naman ay nakapagtala ng P4,147,702 na pinsala sa Camarines Sur kung saan 104 na mga magsasaka at 79 hectares ang apektado.
Sa bahagi naman umano ng lalawigan ng Sorsogon, napinsala rin ang kanilang livestock and poultry na nakapagtala ng P126,000 na pinsala.
Nakapagtala rin ng P228,000 ang Fisheries sector sa Camarines Sur, Albay at Sorsogon.
Kasama rin sa kabuuang naitalang pinsala ang infrastracture sector kung saan umabot ito sa P20,500,000 lalo na sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay at Masbate.
Sa ngayon, tinutulungan na umano ng DA ang mga magsasaka na makapag-ulat sa kani-kanilang mga Municipal Agriculturist hinggil sa naging pinsala ng Bagyong Amang sa kanilang mga pananim.
Paliwanag kasi ni Guarin na dapat sa loob ng 10 araw matapos ang naging pananalasa ng bagyo ay maiulat ng mga magsasaka ang pinsala para makakuha ang mga ito ng crop insurance.
Ngunit maliban sa crop insurance, mayroon ding nakalaan na binhi ng mais at palay ang nasabing ahensiya na maaaring ibigay sa mga magsasaka sa oras na handa na ang mga itong muling makapagtanim.
Samantala, sa kabuuan, umabot sa P48,297,614 ang naging pinsala ng Bagyong Amang sa sektor ng Agrikultura sa buong Bicol Region.