NAGA CITY- Tinatayang aabot sa P6.8 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa isang drug personality sa Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na si Alvin Baldoza, 36-anyos, residente ng Agos, Bato, sa nasabing lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLTCol Ryan Atanacio, hepe ng Pili Municipal Police Station, sinabi nito na isang asset umano ang nagreport sa kanila hinggil sa illegal drug peddling activities ng suspek kaya’t agad nilang naikasa ang buy bust operation.
Aniya, isang pulis ang umaktong poseur buyer at nagawang makabili sa suspek ng isang transparent plastic sachet ng pinaniniwalang shabu sa halagang P300,000.
Ngunit, nang aarestuhin na si Baldoza ay bumunot umano ito ng baril at nagpaputok sa mga pulis.
Dahil dito, gumanti rin ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Ayon kay Atanacio, matapos ang insidente, narekober sa lugar ang isang caliber 45 colt pistol, apat na caliber 45 auto cartridges, isang magazine ng calibre .45 na baril, tatlong auto fired cartridges cases ng kaparehas na kalibre ng baril, isang pirasong fired cartridge case gayundin ang tatlong mga sachet ng shabu na may bigat na isang kilo at nagkakahalaga ng P6,800,000 at iba pang mga drug paraphernalia.
Dagdag pa ni Atanacio, kilalang nagbebenta si Baldoza ng ilegal na droga sa Rinconada area gayundin sa ilang lugar pa sa nasabing lalawigan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.