NAGA CITY – Kumpiskado ang mahigit sa P6-M na halaga ng iligal na droga sa isang delivery rider sa isinagawang buy-bust operation sa Zone 1, San Agustin, Pili, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Ryian Magdalita, 35-anyos, residente ng Algiceras St., Sampaloc, Metro Manila.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang knot-tied plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu sa halagang P150-K at may bigat na humigit-kumulang 50-grams mula sa nasabing suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na narekober pa sa suspek ang apat pang knot tied plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na nasa humigit-kumulang 950-grams.

Sa kabuuan, tinatayang may bigat na isang kilo ang nakumpiskang iligal na droga at nagkakahalaga ng nasa P6,800,000.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.