NAGA CITY – Tinatayang aabot sa mahigit P80-K ang halaga ng iligal na droga na nakumpiska sa isang mekaniko sa Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Reynante Bulawan, 40-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Mark Spaña, Deputy Chief of Police ng Calabanga Municipal Police Station, sinabi nito na naaresto si Bulawan matapos ang isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa bahay ng nasabing suspek.

Kaugnay nito, nakumpiska pa kay Bulawan ang isang pakete ng pinaniniwalaang shabu at dalawang pakete na mayroong pinatuyong dahon na pinaniniwalaang marijuana.

Ayon kay Spaña, sa kabuoan, tinatayang hindi bababa sa P88,000.00 ang halaga ng mga nakumpiskang ipinagbabawal na gamot.

Ayon pa dito, dati na ring drug surrenderee noong 2018 si Bulawan ngunit ayon umano sa monitoring ng Calabanga MPS, patuloy pa rin ang suspek sa paggawa ng iligal na gawain.

Dagdag pa nito, ang kilalang mga parokyano ni Bulawan ay ang mga mangingisda sa lugar at ang iba pang mga taga ibang bayan na talagang dumadayo sa bahay nito para bumili ng iligal na droga.

Samantala, sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.