NAGA CITY- Kinumpirma ngayon ni Naga City Mayor Nelson Legacion na mayroon ng kabuuang 736 na mga baboy ang naisailalim sa culling operation dahil sa sakit na African Swine Fever (ASF) sa dalawang lugar sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Legacion, sinabi nito na 451 sa mga ito ang mula sa Barangay Pacol habang 285 naman sa Cararayan.
Subalit sa ngayon, hindi pa umano natatapos ang swine depopulation sa Brgy. Cararayan kung saan mayroon pang natitirang 265 baboy.
Ang nasabing mga baboy ang nasa loob ng 1km radius zone mula sa mga ground zero kung saan unang naitala ang nagpositibo sa nasabing sakit.
Bukod dito, nasa P983,000 naman ang total initial cash assistance na nakatakdang ibigay sa mga apektadong hog raisers sa nasabing mga barangay.
Ayon kay Legacion, naiintindihan naman umano niya ang hinanakit ng mga hog raisers ngunit kailangan umano na maintindihan ng mga ito na
ginagawa lamang ng gobyerno ang nasabing polisiya upang maiwasan na ang pagkalat ng sakit.
Una na dito, kinumpirma naman ng City Veterinary Office na may tatlong bagong lugar sa lungsod ang hinihintay ngayon ang resulta ng eksaminasyon
ng Department of Agriculture dahil sa paniniwalang apektado na rin ang mga ito ng nasabing sakit.
Kabilang sa mga lugar na ito ang mga Barangay ng Balatas, Del Rosario, at parte ng Pacol.