NAGA CITY- Mahigpit na seguridad ang umiiral ngayon sa mga lugar o area kung saan magaganap ang iba’t ibang mga laro para sa opening ceremony ng Paris Olympics 2024 na isasagawa sa July 26, 2024.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Jay Maderazo, mula sa Paris, France, sinabi nito na maraming mga kapulisan ang umiikot, nagbabantay, nagmomonitor at makikita rin umano an mga ambulansiya sa mga venue upang matiyak na walang mangyayaring gulo o insidente at upang mabigyan din ng agarang asistensiya ang sinuman na mangangailangan.
Kaugnay nito, mayroon umanong color coding o apat na kulay na ipinapairal na ibig sabihin, mayroong mga lugar na bawal ang mga turista o mga residente at mga authorize person lamang ang maaring pumasok.
Ayon pa kay Maderazo, hindi lahat ng landmark ng Paris ay maaring bisitahin dahil mayroong mga restrictions na ipinapatupad.
Ang nasabing panuntunan ay dahil matapos ang 100 na taon muling naibalik sa Paris ang pag-host ng nasabing torneo. Maalala, ito na ang pangalawang pagkakataon na Paris ang host ng ganitong event matapos ang eksaktong 100 na taon.
Samantala, ayon naman kay Bombo International News Correspondent Elme Sereño mula rin sa Paris, France, inaasahan ang na dadalo ang mga head of state mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo para sa pagbubukas ng Paris Olympics 2024.
Kaugnay nito, para sa mga tao na papasok o mga residente, hinahanap ang QR code habang para naman sa mga turista ang kanilang passport bago makapasok sa venue.
Ayon pa kay Sereño mayroon ng mga daan na isinara at all set na para sa isasagawang opening sa July 26.
Sa ngayon, hangad na lamang ni Maderazo at Sereño ang suporta ng mga Pilipino para sa laban ng mga atletang Pinoy.