Naging mainit ang deliberasyon sa Kamara de Representantes kaugnay sa hirit na silipin ang buong financial picture ni Sara Duterte, partikular ang paglalabas ng subpoena para sa mga negosyo at law firm na nauugnay sa kanya.
Layunin ng panukala na mabusisi ang yaman ng Pangalawang Pangulo mula nang magsimula ito sa public office bilang bise alkalde noong 2007 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay Terry Ridon na nagsusulong ng mosyon, saklaw ng imbestigasyon ang mga kumpanyang nakalista sa 2023 at 2024 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente, kabilang na ang Geometry, Security, Anyanan Shores, at Cable Tow.
Umalma naman si Rufus Rodriguez sa hakbang na ito at binansagan ang pagdinig bilang isang “fishing expedition.”
Kinuwestiyon nito kung bakit padadalhan ng subpoena ang isang law office dahil maaari umanong matapakan ang privileged communication sa pagitan ng abogado at kliyente.
Bilang tugon, nilinaw ni Ridon na hindi saklaw ng imbestigasyon ang mga pribadong pag-uusap o kaso ng mga kliyente ng law firm.
Aniya, tanging ang mga dokumentong isinusumite sa Securities and Exchange Commission gaya ng audited financial statements at general information sheets ang hinihingi ng komite upang makita ang financial output ng mga nasabing entidad.
Dagdag pa nito, mahalagang makuha ang mga dokumentong ito upang maberipika ang paglobo ng net worth ng bise presidente, na kadalasang idinadahilan ng kanyang mga taga-suporta bilang kinita mula sa kanyang mga negosyo at law firm.














