NAGA CITY – Ang mainit na panahon ang isa sa mga itinuturing na hamon para sa mga atleta ng 32nd Southeast ASian Games sa Cambodia.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edouard Imperial ValeneY, miyembro ng Philippine Table Tennis Team mula sa Buraguis, Legazpi City, sinabi nito na umaabot sa 39 degree celcius ang temperatura sa nasabing bansa.
Aniya, kahit gabi na, ay mainit pa rin sa nasabing bansa kung kaya nahihirapan ang mga itong mag-adjust.
Sa kabila nito, puspusan pa rin ang kanilang paghahanda para sa nakatakda nitong laban bukas, Abril 9, 2023 kung saan nagtatakda sila ng isang beses na pag-eensayo sa isang araw.
Ngunit hindi pa rin umano nito alam kung sino at kung mula saang bansa ang kaniyang makakatunggali sa nasabing larangan.
Sinabi pa ng atleta na ito rin ang unang pagkakataon na irerepresenta nito ang Pilipinas sa International level.
Samantala, ibinahagi pa ni Valenet na nagsimula itong maglaro ng table tennis sa edad na limang taong gulang.
Sa ngayon, payo na lamang nito sa iba pang mga atleta na huwag sumuko sa mga pangarap at minimithi sa buhay.