Photo © web

Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Tanggapan ng Ombudsman at Department of Justice (DoJ) ang pagpapalabas sa publiko ng pinal na ulat ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakasalalay na sa discretion ng Ombudsman at DoJ kung paano at kailan isasapubliko ang kanilang natuklasan. “Hindi po. Unang-una po, ang Ombudsman po ay independent body. Ang DOJ, nasa discretion na po nila kung ano ang kanilang ibibigay na report na ibinigay sa kanila ng ICI,” ani Castro.

Tinapos ng ICI ang kanilang operasyon noong Marso 31 matapos ang anim na buwang imbestigasyon sa kuwestiyonableng flood control projects. Bagama’t may mga kritiko na nagsabing bitin ang naging resulta ng imbestigasyon dahil wala pang nakukulong na “malalaking isda,” tiniyak ng Malakanyang na hindi ito nagtatapos sa pagtugis sa kurapsyon.

Ayon kay Castro, ang ICI mismo ang nag-ulat na naisakatuparan na nila ang kanilang mandato at kusa nang mabubuwag, batay sa Section 10 o Sunset Clause ng Executive Order 94. Aniya, tambak na rin ang mga kasong isinumite ng komisyon sa DoJ at Ombudsman.

Advertisement

Samantala, ukol sa ulat na may ilang empleyado ng ICI na hindi pa nakatatanggap ng sahod, sinabi ni Castro na nakalaan na ang pondo at ang anumang concerns ay dapat iparating sa pamunuan ng ICI.

Advertisement