NAGA CITY- ‘Blessing in disguise’ kung ituring ngayon ng mga Bicolano ang nararanasang malakas na pag-uulan kasabay ng gagawing Fluvial Procession mamayang hapon.
Nabatid na una nang kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na magiging pahirapan ang mangyayaring fluvial procession ngayong taon dahil ito aniya ang unang beses na nagkataong low-tide ang Naga River na pwedeng magresulta sa pagsadsad ng pagoda.
Alas 9:00 ng umaga inaasahan ang high-tide kung kaya isasara na ang mga flood gates para sakaling dumating ang low-tide mamayang alas 4:00 ng hapon, mataas parin ang lebel ng tubig.
Sa kabila nito, hindi naman nagpatinag ang libo-libong mga deboto na patuloy na bumubuhos ngayon sa lungsod para makiisa sa gagawing fluvial procession.
Alas 2:00 mamayang hapon magkakaroon muna ng misa sa Metropolitan Cathedral bago ilabas ang imahe ni Nuestra Senora de Penafrancia at El Divino Ristro para ibalik sa Basilica Menore na idadaan sa Naga River.
Mas pinahigpit naman ng mga otoridad ang security measures kung saan mahigit sa 200 na mga water cluster na kinabibilangan ng PCG, Philippine Navy, Marines, DRRMC at iba pang mga water assets ang aalalay sa naturang prusisyon
Samantala, naging matagumpay naman ang ginawang Bicol Region Military Parade Competition kahapon na tumagal ng mahigit sa 11 na oras.