NAGA CITY- Hirit ngayon ng pamahalaan sa United Kingdom ang paikliin ang gap sa pagtanggap ng booster shot at palawakin ang pagturok sa mga mamamayan.
Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Paul Ledesma mula sa nasabing bansa, sinabi nito na pinanukala ni Prime Minister Boris Johnson sa mga eksperto na mas palawakin pa ang pagbabakuna ng booster shot ng Covid-19 vaccine.
Sa ngayon kasi, ang mga nag-eedad 40-anyos pataas lamang ang pinapayagang makatanggap ng booster shot ng COVID-19 vaccine.
Ang kahilingang ito ni Boris ay kaugnay nang naitalang dalawang indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 Omicron variant sa bansa na itinuturong konektado sa pagbyahe galing sa South Africa.
Dagdag pa dito, nasabi rin ni Ledesma na malaking concern ng UK ngayon ang tinatawag ng mga eksperto na potential escape ng bagong variant o ang tsansang pwedeng matamaan pa ng bagong variant ang mga taong bakunado na kontra COVID-19.
Sa ngayon, mahigpit ang bansa sa pagpapatupad ng mga alituntunin para matiyak na hindi na makahawa ang delikadong variant ng COVID-19.