NAGA CITY – Nababahala ang mga mamamayan sa South Korea matapos ang pagkakaluklok kay Yoon Suk-Yeol bilang bagong Pangulo ng nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bombo International News Correspondent Lester Javier, mula sa South Korea, sinabi nito na maraming umalma sa naging resulta ng eleksiyon.
Ayon kay Javier, hindi pabor ang ilan sa mga mamamayan ng nasabing bansa lalo na sa mga pronouncement ni President Elect Yoon Suk-Yeol lalo na’t tila taliwas na sa nakasanayang sistema ng bansa ang nais na mangyari ng bagong lider.
Maituturing din kasi na konserbatibo at matapang ang bagong Pangulo batay na rin sa paglalarawan ng mga locals sa lugar.
Dagdag pa ni Javier na ayaw ni Yoon sa pakikipagrelasyon ng South Korea sa North Korea gayundin sa China ngunit mas nais nitong pasiglahin ang relasyon nito sa US at isinusulong nitong ibalik ang nuclear weapon ng US sa South Korea.
Kaugnay nito, kasama pa sa mga ikinakabahala ng mga tao sa bansa ay ang posibilidad na iabolish ng nasabing lider ang administry of gender equality dahilan para matapakan ang karapatan ng mga kababaihan at maabuso ang mga empleyado dahil sa halip na 52 hours bawat linggo na maximum time ng pagtatrabaho, nais nitong huwag limitahan ang oras.
Maliban pa sa mga nabanggit, banta rin umano ang Pangulo sa mga foreign nationals partikular na sa mga OFW at posibleng tutukan din nito ang pagtukoy sa mga illegal migrant workers sa bansa.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Javier na ang mga nabanggit ay haka-haka pa lamang ngunit hindi malayong mangyari kung pagbabatayan ang gawi-gawi ng bagong luklok na lider.
Kun maaalala, isinagawa ang eleksiyon sa South Korea noong Marso 9, 2022 kung saan naging gitgitan ang laban ni President Elect Yoon Suk-Yeol laban sa oposisyon na si Lee Jae-Myung.
Nakatalaan namang umupo sa pwesto si Yoon sa darating na Mayo 9 sa kasalukuyan ding taon.