NAGA CITY – DEAD-ON-ARRIVAL ang isang mangingisda matapos malunod habang nanghuhuli ng isda sa karagatang sakop ng Mulanay, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Marlon Planas Ormacido, 49-anyos, residente ng Brgy. 4 Poblacion sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na dakong alas-6:30 ng hapon kahapon, Agosto 29, 2023 nang umalis sa kanilang bahay para mangisda ang biktima.

Ngunit dakong alas-2:30 namang ng hapon sa kaparehong araw nang lumubog ang bangka nito dahil sa sama ng lagay ng panahon.

Agad naman sana itong nirescue ng mga awtoridad at dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara rin itong dead-on-arrival ng doktor.

Sa ngayon, paalala na lamang ng mga awtoridad na huwag nang pilitin na pumalaot lalo na kung masama ang kalagayan ng panahon para maiwasan ang kaparehas na pangyayari.