Nasawi ang ilang manggagawa habang marami pa ang kritikal na nasugatan matapos mag-implode at mapunit ang isang chemical tank sa loob ng pasilidad ng Nippon Dynawave Packaging sa Longview, Washington nitong Martes, ayon sa mga awtoridad sa Estados Unidos.
Ayon sa Longview Fire Department at lokal na mga opisyal, agad na rumesponde ang mga emergency personnel sa insidente na naganap dakong alas-7:15 ng umaga sa Cowlitz County, humigit-kumulang 45 milya mula Portland, Oregon.
Kinumpirma ng mga awtoridad na may mga nasawi sa insidente ngunit hindi pa inilalabas ang eksaktong bilang ng mga biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Hindi bababa sa siyam na manggagawa at isang bumbero ang isinugod sa ospital matapos magtamo ng chemical burns at iba pang pinsala.
Ayon sa mga opisyal, ang sumabog na tangke ay naglalaman ng “white liquor,” isang kemikal na ginagamit sa paggawa ng paper pulp at binubuo ng sodium hydroxide at sodium sulfide.
Sinabi naman ng mga awtoridad na wala namang agarang banta sa mga residente sa paligid ng pasilidad sa kabila ng insidente.
Patuloy pa rin ang clearing operations at imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagsabog.








