Pinangunahan ni Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na lider ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa isang seremonya sa Malacañang Palace ngayong hapon.
Muling tiniyak ng Pangulo ang pangako ng kanyang administrasyon na protektahan ang mga mamamahayag, kasabay ng pagkilala sa mahalagang papel ng media sa pagbibigay ng tama at napapanahong impormasyon sa publiko.
Ipinakilala rin ang KBP Board of Trustees na pinamumunuan nina Herman Basbaño at Ruperto Nicdao Jr., pati na ang KBP Standards Authority sa ilalim ng pamumuno ni Enrico Canoy. Binigyang-diin ang papel ng KBP bilang isang self-regulatory body na nagpapanatili ng etikal na pamantayan sa larangan ng broadcasting.
Sa kanyang mensahe, iginiit ni Marcos ang kahalagahan ng media sa pagsusulong ng katotohanan, pananagutan, at serbisyo publiko. Gayunman, kinilala rin niya na nananatiling mapanganib ang kapaligiran para sa mga mamamahayag sa Pilipinas, kaya’t patuloy na magsasagawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang matiyak ang kanilang kaligtasan.








