Nilinaw ng aktres na si Matet de Leon ang naging viral na social media post niya na umani ng atensyon online matapos maglabas ng makahulugang mensahe tungkol sa kanilang pamilya at sa patuloy na usapin ng “mana.”
Sa naturang post, ibinahagi ni Matet ang larawan nila ng kanyang mga kapatid na sina Lotlot de Leon, Kenneth de Leon, at Kiko de Leon, na pawang inampon ng yumaong National Artist at Superstar Nora Aunor.
Kasabay nito ang caption na, “Post ko lang uli. Ito nga pala ang ngiti ng mga ampon na walang mana. Mukha ba kaming may pake?” na mabilis na nag-viral at nagdulot ng diskusyon sa social media.
Sa panayam kay Boy Abunda, nilinaw ni Matet na ang naturang post ay patama lamang umano sa mga bashers na patuloy na ibinabato ang isyu ng mana at kanilang pagiging ampon.
Ayon sa aktres, madalas silang makatanggap ng negatibong komento tungkol sa mana at sa kanilang pagkakakilanlan, na aniya ay masakit lalo na habang patuloy silang nagluluksa sa pagpanaw ng kanilang ina.
Giit niya, hindi nila iniisip ang usapin ng mana at wala silang hinihinging anuman o inaangkin mula rito.
Humingi rin si Matet ng respeto para sa kanya at sa kanyang mga kapatid, na patuloy umanong nakatatanggap ng masasakit na salita online.
Binatikos din niya ang ilang netizens na gumagamit ng mapanirang salita laban sa kanyang mga kapatid, at iginiit na hindi ito makatarungan lalo na’t pribado ang kanilang buhay.
Samantala, inamin din ni Matet na wala siyang kaalaman kung may naiwan na last will and testament si Nora Aunor at hindi na rin niya ito iniimbestigahan.








