Naranasan ang matinding epekto ng Hurricane Milton sa ilang bahagi ng Florida, USA.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Aaron Arcilla, mula Florida, USA, sinabi nito na ang bagyo ay tumama sa lugar dakong alas-8:00 ng gabi noong Miyerkules, Oktubre 9 hanggang Oktubre 10.
Sa kasalukuyan, mahigit 12 oras na ang lumipas mula nang tumama ang mata ng bagyo sa nasabing lugar.
Ayon kay Arcilla, nasa ospital ito nang humagupit ang bagyo ngunit makalipas ang ilang oras ng pananalasa Ng bagyo naging maaliwalas ang kalangitan na parang walang nangyari.
Aniya, sa kasalukuyan ay may mga bahay sa Florida partikular na ang mga nasa mababang lugar na nanatiling walang suplay ng kuryente.
Ayon pa kay Arcilla, wala itong kakilala na matinding naapektuhan ng nasabing bagyo ngunit may mga nasirang pasilidad at ari-arian.
Samantala, naging desidido naman ang Florida Government na ilikas ang mga residente partikular na ang mga nasa liblib na lugar kaya masasabi aniya nito na malaki ang epekto nito sa paglimita ng mga nasawi kahit malayo ang mga residente sa ospital at mga pasilidad na maaaring silungan sa panahon ng bagyo.
Kasalukuyang kasama ni Arcilla ang ilang mga Filipino nurse na nasa parehong ospital kung saan ito nagtatrabaho. Ang mga lugar na ito ang pinakanaapektuhan ng bagyo kaya walang supply ng kuryente.
Pinasalamatan rin ni Arcilla ang Gobyerno ng Florida dahil kung sakaling may Pilipinong dumating o lumipat sa kanilang lugar ay agad itong inaasikaso at binanggit din ni Arcilla na buhay ang kabayanihan ng mga Pilipino sa nabanggit na sitwasyon.
Aniya, bago dumating ang bagyo naghanda at naging alerto na ang lahat maging sa pagkakaroon ng power outage at alam rin ng mga ito na magkakaroon ng panic buying kaya nagpasyang mag-imbak ng mga suplay ng pagkain ilang araw bago dumating ang bagyo.
Dagdag pa ni Arcilla, niluto na nito ang mga binili pagkain bago pa man tumama ang bagyo dahil alam niyang magiging mahirap ang sitwasyon kapag tumama na ang bagyo.
Sa ngayon, nagpapasalamat pa rin si Arcilla na ligtas ang kanyang tinitirhan. Samantala, nalaman din nito na dalawang araw bago dumating ang bagyo, may mahigit 100 pasahero sa Central Florida sa Tampa area na kinailangan lumikas kung saan mahigit lima o anim na oras ang kanilang naging biyahe mula Florida hanggang sa Northeastern United States.