NAGA CITY- Gumuho ang bahagi ng kalsada sa Nabua- Balatan Road dahil sa malakas na pag-uulan na dulot ng Shear line.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Xanthien Dominic Beñegas, Municipal Government Department Head 1/ Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng Balatan, sinabi nito na ang naturang kalsada ay una nang nasira sa paghagupit ng Bagyong Enteng at lalong na-damage dahil sa pagdaan naman ng Bagyong Kristine.
Aniya, tuloy-tuloy ang Department of Public Works and Highways sa pagkumpuni sa nasabing kalsada ngunit dahil sa nararanasang malakas na pag-uulan, lumambot ang lupa at tuluyang gumuho ang ibang bahagi nito.
Dahil sa insidente, nag-apela ang Municipal Disaster Risk Reduction and Balatan sa mga malalaking sasakyan na huwag na munang dumaan sa nasabing kalsada dahil delikadong tuluyang maputol ito.
Kaagad naman na inaksyunan ng lokal na pamahalaan ng Balatan katuwang ang DPWH ang bumigay na bahagi ng kalsada at nagsagawa ng clearing operations upang makadaan ang mga maliliit na sasakyan.
Inabisuhan rin ni Beñegas ang publiko na hindi lahat ng sasakyan ay pinapayagang dumaan, mga malilit lang na sasakyan ang kayang dumaan sa ibang bahagi na walang sira lalo pa’t ang kanilang bayan ang host ng Rinconada Meet ngayon.
Sa kabila naman ng pagguho ng bahagi ng kalsada, wala namang napaulat na casualties lalo pa’t wala namang nakatira malapit sa lugar.
Samantala, naitala naman ang rockslide sa bahagi ng Sagñay-Tiwi Road sa bahagi ng Brgy. Patitinan, Sagñay, Camarines Sur.
Kaugnay nito nag-abiso ang awtoridad na nagsagawa na ng clearing operations sa lugar ngunit hindi inirerekomenda ang pagdaan dito dahil sa posibilidad ng panibangong rockfall.
Sa ngayon, patuloy na inaabisuhan ang publiko na i-monitor ang kalagayan ng panahon upang maiwasan ang mga insidente habang nararanasan ang patuloy na pag-ulan.