NAGA CITY-Patay ang isang menor de edad na drayber habang sugatan naman ang sakay nito pagkatapos mawalan ng kontrol ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Provincial Road Barangay Ilaya Kalilayan, Unisan, Quezon.
Kinilala ang binawian ng buhay na isang 16-anyos, habang sugatan naman ang sakay nitong 15-anyos, parehong residente ng Barangay Punta sa nasabing lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng 16-anyos na biktima ang kahabaan ng naturang daan galing sa Agdangan, Quezon papuntang Unisan town proper, ng bigla na lang aniyang nawalan ng kontrol ang minamaneho nitong motorsiklo, dahilan upang aksidenteng mabangga nito ang isang nakaparadang Jeep sa tabi ng daan.
Dahil dito nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang drayber pati ang sakay nito na kaagad namang dinala sa ospital. Pero sa kasamaang palad binawian rin ng buhay ang driver ng motorsiklo.
Samantala, napag-alaman na walang suot na helmet ang mga menor de edad.
Sa ngayon patuloy ang sinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit nang insidente.