NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad matapos makuryente sa Brgy. Banabahin Ibaba, Lopez, Quezon.

Kinilala ang biktima na isang 10-anyos na batang lalaki at residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman habang nanunuod ng basketball ang biktima sa basketball court ng nasabing barangay nang aksidente itong makuryente ng electric wire na nilagay ng isang electrician sa nasabing court.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na agad naman sanang isinugod sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal, ngunit idineklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagbibigay na ng tulong ang pamahalaan at kapulisan sa pamilya ng nasabing biktima habang nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng insidente.