NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad matapos mahulog mula sa San Juan Bridge sa Brgy. San Juan, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na isang 13-anyos na binatilyo at residente ng Zone 2, Brgy. Libod 2, Libmanan, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Emy Rose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na habang namimingwit ang biktima kasama ang iba pang bata nang mahulog ito mula sa nasabing tulay na may taas na nasa 20 ft.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid din na dahil sa naturang insidente nagtamo ng head injury ang menor de edad at agad ding dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, batay pa sa imbestigasyon, wala naman umanong nangyaring foul play sa naturang insidente at inamin naman ng mga kamag-anak ng biktima na aksidente ang nangyari.

Sa ngayon, panawagan na lamang nito lalo na sa mga barangay officials na laging tingnan ang ganitong mga lugar para maiwasan ang kahalintulad na mga insidente.