NAGA CITY- Patay ang isang menor de edad na lalaki matapos na malunod sa bayan ng Bula, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSG. Cecilio Buendia Jr, Public Information Officer ng Bula MPS, sinabi nito na batay umano sa naging salaysay ng mga kaibigan ng biktima nangyari ang insidente habang naliligo an mga ito sa Bicol River na sakop ng Barangay Salvacion sa nasabing bayan.

Ayon sa opisyal, nadulas ang 10-anyos na biktima na nagin dahilan upang tangayin ito ng malakas na agos ng tubig.

Maliban dito, malalim umano ang tubig na pinaliguan ng biktima kasama ang kanyang mga kaibigan.

Kaugnay nito, kaagad na tinawag ng mga kaibigan ng biktima ang ama nito upang ipaalam ang nangyari sa kanyang anak.

Nagmamadaling pumunta sa Bicol River ang ama ng biktima at sinubukan na i-recover ang kanyang anak ngunit naging pahirapan ito.

Tumulong na rin sa paghahanap ang mga naroong mangingisda sa lugar at kanilang matagumpay na natagpuan ang biktima hindi kalayuan sa pinaliguan nito.

Kaagad na isinugod sa ospital ang bata ngunit sa kasamaang palad ay ideneklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Ayon sa ama ng biktima, marunong lumangoy ang kanyang anak ngunit hindi umano nito inasahan na nasa malalim na bahagi na pala ng ito nasabing ilog.

Sa ngayon, patuloy ang panawagan ng mga kapulisan sa mga magulang na palaging i-monitor o bantayan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang kaparehong insidente.