NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad matapos malunod sa Catanauan, Quezon.

Kinilala ang biktima na isang grade 8 student, residente ng Brgy. Cawayanin Ibaba sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nanghuhuli ng isda ang biktima sa ilog na sakop ng nasabing bayan nang hindi na umano ito nakabalik sa kanilang bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon pa ng mga awtoridad, nabatid na natagpuan na lamang ang katawan ng biktima na wala nang buhay kung saan pinaniniwalaang aksidente itong nalunod.

Samantala, nabatid din na may sakit na epilepsy ang biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.