NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang tatlong iba pa kasama na ang driver matapos na mahulog sa kanal ang sinasakyang motorsiklo sa San Narciso, Quezon.
Kinilala ang binawian ng buhay na isang menor de edad na lalaki habang ang mga sugatan na sina Jerry Lutchavez, 23-anyos, driver ng motorsiklo at ang dalawa pang backriders nito na parehas menor de edad na lalaki, pare-parehas residente ng Brgy. Villa Reyes sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Lutchavez kasama ang tatlong menor de edad na backriders ang pakurbadang bahagi ng San Narciso-San Andres Road sa Brgy. Vigo Central sa nasabing lugar ng mawalan ng kontrol sa ang driver sa motorsiklo dahilan upang mahulog ito sa kanal sa gilid ng kalsada.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa nasabing insidente nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit sa kasamaang palad tuluyan nang binawian ng buhay ang isa sa mga menor de edad na backrider ng nasabing motor.
Samantala, napag-laman pa ng mga kapulisan na walang suot na helmet ang mga biktima ng mangyari ang nasabing insidente.
Sa ngayon, muling nagpaalala ang mga awtoridad na palaging magsuot ng safety gear habang nagdadrive upang maiwasan ang ganitong klase ng aksidente.