NAGA CITY- Agad na ipinatupad ni Naga City Mayor Nelson Legacion ang extreme community quarantine o lockdown sa lugar kung saan naitala ang ika-apat na COVID-19 positive case.
Sa pahayag ni Legacion, sinabi nitong natuwa na sana siya matapos magnegatibo na ang Bicol #23 patient, na isang 36-anyos na pulis na mula sa Naga City at nagkaassign sa Albay.
Ngunit, bigla naman aniyang lumabas ang impormasyon mula sa Department of Health (DOH) kung saan isang 17-anyos mula sa Naga City Subdivision, Triangulo, Naga City ang nagpositibo.
Ang naturang dalagita ang ika-26 na kaso sa Bicol kung saan ito rin ang pinakabata sa kabuuang 28 positive cases sa rehiyon.
Ayon kay Legacion, nakaramdam ng lagnat at ubo ang pasyente noong Abril 18, saka ipinasailalim sa swab testing at sunod na na-admit sa Bicol Medical Center (BMC) noong Abril 19.
Sa ngayon, nasa stable na kondisyon naman aniya ang nasabing dalagita habang tiniyak naman ng alkalde na nagsasagawa ng precautionary measures ang lokal na pamahalaan ng lungsod kasama na ang contact tracing.
Sa ngayon, may apat na kaso na sa lungsod ang naitala habang isa rito ang una ng binawian ng buhay.