NAGA CITY – Naging mapayapa ang mga aktibidad na isinagawa sa Naga City kaugnay ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr kahapon, Hulyo 22, 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Chester Pomar, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sinabi nito na walang naitala ang pulisya ng anumang insidente dahil sa matinding pag-ulan na naranasan sa lungsod nitong mga nakaraang oras.
Dagdag pa ni Pomar, maging ang kanilang mga aktibidad ay apektado ng malakas na pag-ulan.
Bukod sa pagsubaybay sa SONA, aktibong nakilahok ang pulisya sa pagsisimula ng Brigada Eskwela bilang paghahanda sa nalalapit na pagpapatuloy ng klase.
Sinabi ng opisyal na handa sila para sa pagbabalik ng mga bata sa mga paaralan, kabilang na ang mga kaganapan at aktibidad.
Nagsagawa rin sila ng ocular inspection sa Peñafrancia Avenue area lalo pa’t nananatiling masikip ang daloy ng trapiko sa lugar kahit na wala pang klase ang mga estudyante.
Nakatakda rin silang muling magtatag ng Public Assistant Desk na magbibigay ng tulong sa publikong nangangailangan ng tulong mula sa mga awtoridad.
Samantala, inatasan naman na ang mga Station Commander na gumawa ng kaukulang hakbang upang masolusyunan ang problema sa trapiko sa kanilang mga nasasakupang lugar.