NAGA CITY – Nagdulot ng pangamba sa mga residente at hog raisers sa lungsod ng Naga ang pagkakarehistro ng kaso ng African Swine Fever sa katabing bayan nito na Pili, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Tom Bongalonta, alkalde ng nasabing bayan, sinabi nito na maging ang kaniyang mga alagang baboy ay hindi nakaligtas sa nasabing sakit.

Ani pa ng alkalde una nang nakapagtala ang barangay Anayan na sentro at daanan naman ng mga byahe patungo sa Metro Manila, Naga City at sa Visayas Region ng apat na kaso, kung posibleng ito ang pinagmulan ng sakit na nakaapekto sa apat na baboy sa lugar.

Kaya posible umanong naapektuhan na ng sakit ang mga baboy na ibinyahe palabas ng kanilang bayan noong nakaraang linggo. Anim sa inahing baboy naman ni Bongalonta ang nakitaan ng sintomas ng sakit katulad na lamang ng pagkakaroon ng rashes sa balat nito.

Dahil dito, agad na ipinag-utos ng alkalde na patayin at ilibing ang nasabing mga baboy.

Maliban pa dito, maging ang 26 na mga alaga nitong baboy damo ay agad rin nitong ipinapatay at ipinalibing upang maiwasan na ang pagkalat pa ng sakit sa kanilang barangay at mapigilan rin na makalabas pa ito sa kanilang bayan.

Nagpababa na rin ng executive order ang opisyal sa tulong ng mga barangay officials sa kanilang bayan na nag-uutos na magkaroon ng mga checkpoint sa bawan barangay upang makontrol at hindi na ito makaapekto pa sa iba pang mga lugar ang nasabing sakit.

Samantala, agad namang pinawi ni City administrator Elmer Baldemoro ang pangamba na baka makaapekto rin ang nasabing pangyayari sa lungsod ng Naga.

Binigyang diin naman ng opisyal na na-contain na ang sakit at wala pa namang mga baboy mula sa Pili ang nakatay sa lungsod kung kaya imposible na makaapekto ito sa mga baboy sa Naga.