NAGA CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Lucena Municipal Police Station hinggil sa nangyaring pamamaril-patay sa mag-ama sa Lucena City.
Mababatid na una nang kinilala ang mga biktima na isang menor de edad na batang babae aat ang ama nitong si Michael Garcia, 41-anyos, kapwa residente ng Brgy. Silangang Mayo sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Eduardo Nartea, imbestigador ng nasabing himpilan, sinabi nito na ihahatid lang naman sana kuta ni Garcia ang kaniyang dalawang anak sakay sa isang tricycle papunta sa Castillo Elementary School at Mayao Castillo National Highschool nang bigla na lamang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek sakay ng isang motorsiklo at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima na agad ikinamatay ni Garcia.
Dagdag pa ng opisyal, nadamay naman sa nasabing krimen ang isang anak ni Garcia na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaniyang katawan na agad naman sanang dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.
Sa ngayon, may nakalap na umanong mga CCTV footages ang mga awtoridad na makakatulong sa pagtunton sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek na agad tumakas papunta sa direksyon ng Talipan, Pagbilao Quezon.
Kaugnay nito, panawagan na lamang ni Nartea sa mga residente ng Brgy. Silangang Mayo na pumunta sa kanilang opisina sakaling may impormasyon hinggil sa nasabing krimen.