NAGA CITY- Mas pinahigpit ngayon ng lokal na pamahalaan ng Naga City ang pagbabantay upang walang makapasok na mga baboy mula sa mga lugar na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging pagharap ni Naga City Mayor Nelson Legacion sa mga kagawad ng media, sinabi nitong naglagay na sila ng mga checkpoints sa lahat ng entry at exit points sa lungsod.
Ayon kay Legacion, mahigpit na rin ngayong ipinagbabawal ang mga karneng baboy at iba pang processed meat products na galing sa ibang lugar lalo na ang mula sa mga bayan ng Canaman, Magarao at Calabanga dahil sa naitalang pagkamatay ng ilang mga baboy sa Bombon.
Aniya, nagpatupad na rin silang hakbang upang macontrol ang mga karneng na nagsi-circulate sa lungsod isa na rito ang pagtatalaga sa Naga City Abbatoir bilang natatanging lugar kung saan pwedeng magkatay ng baboy.
Dagdag pa ng alkalde, kailangan rin munang magpakita ng Livestock Inspection Certificate bago katayin ang baboy.
Samantala, City Permit naman ang isa sa kailangang maipakita na mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) sakaling ibenta sa labas ng lungsod ang karne ng baboy at iba pang meat products.
Kung maaalala, umabot na sa isang tonelada ang nakumpiska ng mga otoridad na meat products sa isinagawa nitong inspeksyon sa lungsod.