NAGA CITY- Kinumpirma ngayon ng Naga City Veterinary Office na may mga sample silang ipinadala sa Department of Agriculture (DA) mula sa mga baboy na pinaniniwalaang positibo sa African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Junius Elad, City Veterinarian, sinabi nitong mula ang mga namatay na baboy sa Brgy. Cararayan sa nasabing lugar.
Subalit ayon kay Elad, mayroon na ring mga report na mga may sintomas ng nasabing sakit sa mga lugar ng Carolina at Pacol sa nasabing lungsod.
Ayon kay Elad, isa sa dalawang baboy ang dinala sa Naga City Abattoir upang katayin ngunit bigla na lamang nanghina at namatay.
Sa ngayon, maghihintay pa aniya sila ng 10 araw bago ilabas ng Department of Agriculture ang resulta ng naturang eksaminasyon.
Sa kabila nito, muli namang nagpaalala si Elad sa mga mamamayan na sumunod sa mga ipinapatupad ng hakbang ng mga otoridad laban sa ASF.