NAGA CITY – Ibinahagi ng lokal na pamahalaan ng Naga ang mga pagbabagong kanilang isasagawa para sa Miss Bicolandia ngayong taon.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Naga City Councilor Joe Perez, ibinahagi nito ang ilan sa mga bagong rules and regulations para sa nasabing pageant.
Kasama na rito ang height requirements, na kung dati ay nangangailangan sila ng taas na 5’4 ay ibinaba na nila ito sa 5’3.
Kung dati ay ang mga nasa edad 18-25 taong gulang lamang ang pinapayagang makilahok, ngayon ay maaaring lumahok ang mga kandidatang nasa edad 17-28 taong gulang.
Ang mga pagbabagong ito ay ayon na rin sa mga nauuso sa mga beauty pageant sa bansa. Sa ganitong paraan, ang mga lumahok noong nakaraang taon na lumampas na sa edad ay muling makakasali ngayong taon.
Muli ring iginiit ng opisyal na ang mga kandidata lamang na native na Bikolana, o may mga magulang na bikolano ang papayagan na makasali sa pageant.
Pinapayagan din ang mga hindi Bicolana ngunit dapat na sila ay nanirahan dito sa Bicol nang hindi bababa sa tatlong taon.
Samantala, dahil sa pagdami ng mga sponsor, tumaas din ang papremyo para sa mga mananalo.
Sa ngayon ay naghahanap pa sila ng iba pang mga sponsor mula sa mga bayan o lalawigan na maaaring sumali sa nasabing pageant.
Dagdag pa ni Perez, pinupuno na nila ang mga hurado para sa nasabing aktibidad lalo pa’t mangangailangan ito ng maraming judges.
Inaasahan din na maraming kandidata mula sa iba’t ibang probinsiya sa Bicol Region ang lalahok sa prestihiyosong pageant na ito sa buong rehiyon.