NAGA CITY – Nakatakdang isagawa ngayong araw ang iba’t ibang pagtitipon ng ilang mga ahensya ng gobyerno sa Camarines Sur matapos makumpirma ang unang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Bombon.
Kaugnay nito, inalerto na ni Governor Migz Villafuerte ang mga Mayor, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), mga kapitan at Barangay Disaster Risk Reduction & Management Committee.
Ipapatupad na rin ang mas pinahigpit na bio-control and safety measures upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Samantala, nakalatag na rin ang iba’t ibang checkpoints operation ng Philippine National Police at maging ng Task Force ASF sa mga entrance at exit points sa Naga City at Camarines Sur.
Una rito, umabot na sa mahigit sa isang tonelada ng mga assorted processed meat products ang nakumpiska ng task force sa terminal sa lungsod ng Naga.