NAGA CITY – Bumubuhos na ngayon sa lungsod ng Naga ang libo-libong mga debotong na mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa para makiisa sa gagawing Traslacion Procession ni Nuestra Señora de Peñafrancia mamayang hapon.
Pasado alas 4:00 kaninang umaga nang isagawa ang Dawn Procession kung saan inilipat ang imahe mula Basilica Menore papuntang Peñafrancia Parish.
Tumagal ng mahigit isang oras ang naturang prusisyon kung saan mapapansin na sa Dawn Procession pawang mga kababaihan ang nakaalalay sa andas ni Ina.
Mamayang hapon naman, alas 12:00 sisimulan ang Traslacion Procession o ang paglipat naman ng imahe ni Nuestra Señora de Peñafrancia at El Divino Rostro mula sa naturang simbahan papunta sa Metropolitan Cathedral kung saan ito mananatili ng siyam na araw bago ang Fluvial Procession.
Bilang bahagi ng mas pinahigpit na seguridad, ipapatupad din ang signal jamming mula alas 12:00 ng hapon hanggang sa matapos ang naturang aktibidad.
Mahigit sa 3,000 na mga law enforcement units at force multipliers naman ang nakakalat ngayon sa buong lungsod para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga bisita at deboto.
Samantala sa impormasyon ipinaabot ng National Democratic Front (NDF)- Bicol sa Bombo Radyo Naga, sinabi ng mga ito na buo ang kanilang suporta at tiniyak ng mga ito na hindi sila manggugulo kasabay ng nasabing okasyon.
Ang Traslacion Procession ay taun-taong isinasagawa bilang hudyat ng pagsisimula ng novenario bago ang pagdiriwang ng kapistahan ni Nuestra Señora de Peñafrancia sa darating na Setyembre 22.