NAGA CITY – Kailangan na lamang umanong maipakita ng mga fully vaccinated na byaherong papasok sa Camarines Norte ang kanilang mga vaccination cards upang makapasok sa lalawigan.
Ayon sa ipinalabas na advisory ng Provincial Incident Management Team ng nasabing lalawigan, nakasaad dito na hindi na kailangan ng Rapid-Antigen Test, RT-PCR o Saliva test ng mga fully vaccinated na byahero na papasok sa nasabing lalawigan.
Ngunit, ituturing lamang umanong fully vaccinated ang isang tao kung natanggap nito ang kaniyang ikalawang dose ng bakuna dalawang linggo bago ito bumyahe pauwi sa lugar.
Kaugnay nito, maliban sa mga vaccination cards kailangan rin na maipakita ng mga ito ang kanilang travel pass na aprubado at galing mismo sa pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte, maging ang kanilang mga valid I.D.
Samantala, ang mga byahero naman na hindi pa fully vaccinated dapat pa ring istriktong sumunod sa mga ipinapatupad na protocols.
Nilinaw rin ng ahensya na lahat ng mga byaherong fully vaccinated o hindi ay kinakailangan pa ring sumailalim sa mandatory health and exposure screening pagdating sa kanilang mga uuwiang lugar.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin umano ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.