Nagkasa ng protesta ang ilang grupo at mga commuter sa isang gasolinahan sa Quezon City upang tutulan ang inaasahang malaking pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe sa pampublikong transportasyon.
Pinangunahan ng grupong Anakpawis kasama ang iba pang organisasyon ang rally nitong Martes upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa inaasahang pagtaas ng presyo ng diesel na maaaring umabot sa ₱19.30 hanggang ₱22.30 kada litro.
Sa isinagawang protesta, nanawagan ang mga grupo sa pambansang pamahalaan na agad magbigay ng tulong pang-ekonomiya sa pamamagitan ng pansamantalang pagsuspinde ng Value-Added Tax (VAT) at excise tax sa produktong petrolyo.
Ayon sa mga lider ng kilusan, mas makatutulong umano sa pagpapababa ng presyo ng langis kung aalisin muna ang mga buwis kaysa sa kasalukuyang subsidy program ng pamahalaan.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang grupo sa umano’y mabagal at hindi sapat na pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng kasalukuyang programa ng gobyerno, tumatanggap ng ₱5,000 na subsidiya ang mga magsasaka at ₱3,000 naman para sa mga mangingisda.
Ayon sa mga nagprotesta, hindi sapat ang mga nasabing tulong upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon at transportasyon.
Samantala, inanunsyo naman ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagtaas ng base fare sa mga tradisyunal at modernong jeepney, pati na sa iba pang public utility vehicles.
Dahil dito, nagpahayag ng pagtutol ang ilang commuter na nagsabing lalo pang pabigat sa kanilang gastusin ang dagdag-pasahe.
Ayon sa commuter na si Gracia Camangig, sana ay tumaas din ang sahod kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe dahil lalo itong nagpapahirap sa mga ordinaryong manggagawa at estudyante.
Dagdag pa ng isa pang commuter na si Vicky Ramos, hirap na umano ang mga manggagawa na kumita ng sapat dahil minimum wage pa rin ang kanilang sahod habang patuloy namang tumataas ang gastusin.
Nilinaw naman ng LTFRB na pansamantala pa lamang ang ipinatupad na fare increase at inaasahang magiging permanente ito pagsapit ng Hunyo kapag nailabas na ang bagong fare matrices.














