NAGA CITY – Mahigpit na binabantayan ngayon ng mga awtoridad ang ilang mga bayan sa lalawigan ng Camarines Sur na isinailalim ng Commission On Elections (Comelec) sa Election Areas of Concerns.
Mababatid na sa 34 na bayan sa nasabing lalawigan, tatlo dito ang nasa ilalim ng Red o “area of grave concern” kung saan may seryosong banta ng mga rebelde at karahasan.
Nasa 17 naman dito ang nasa Orange Category o mga lugar na “area of immediate concern.”
Habang tatlo rin ang nasa Yellow o “area of concern” o may mga election related incidents sa nakalipas na dalawang sunod na halalan subalit wala namang presensya ng mga rebelde na puwedeng makapaghatid ng kaguluhan.
Nasa 13 na mga lugar naman ang nasa Green category, o “no security concern,” ibig sabihin, mapayapa o walang kaluguhan na may kinalaman sa halalan.
Ngunit hindi naman na binaggit kung alin sa mga bayan sa lalawigan ang may banta kaugnay ng eleksyon dahil umano sa pagiging confidential nito.
Kaugnay nito, nasa mahigit 2,000 naman na mga PNP personnel ang idineploy sa iba’t-ibang bayan sa Camarines Sur kasama na ang iba pang augmentation forces.
Samantala, inaasahang nasa 1,321,196 ang kabuuang bilang ng mga boboto sa lalawigan ng Camarines Sur, bukas, Mayo 9, 2022 para sa Local and National Elections, kasama na ang nasa 118,951 na mga botante sa lungsod ng Naga.
Sa kabila nito, panagawagan lamang ni Fr. Mark Real, Chairman ng Archdiocese of Caceres PPCRV, sa mga botante na pag-isipan ng mabuti ang mga iboboto upang matiyak na ang mahahalal sa araw ng eleksyon ay maaasahan sa oras na may kinakaharap na krisis ang bansa.