NAGA CITY- Bilang paggunita sa cervical awareness month ngayong buwan ng Mayo, hinikayat ng Department of Health-Bicol ang lahat ng mga kababaihan na magsailalim na sa cervical cancer screening upang maiwasan ang pagkakaroon ng malalang kaso ng nasabing sakit.
Ayon kay Dr. Monrey Isaiah Mancilla, Non-Communicable Disease Prevention Control Cluster (NCDPCC)-Cluster Head, ng DOH-Bicol CHD, sinabi nito na labing dalawang kababaihan ang binabawian ng buhay araw-araw dahil sa cervical cancer.
Habang patuloy naman ang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng sakit hindi lamang sa Bicol Region kundi maging sa buong Pilipinas.
Dagdag pa ng opisyal ang cervical cancer ang nagagamot pero nangangailangan ng early screening upang maiwasan an mas malalang sitwasyon.
Kaugnay nito, nagpapatuloy naman ang mga isinasagawang information dissimination patungkol dito upang mas lalong mapataas ang kaalaman ng mga kababaihan patungkol sa nasabing sakit.
Ilan kasi sa mga dahilan nito ay ang pagka-engage sa mga risky behavior at pagka-expose sa virus.
Maiiwasan naman ito sa pamamgitan ng regular na pagpapa check up dahil lumalabas ang sintomas nito kung malala na ang kondisyon ng isang tao.
Dagdag pang sintomas ng nasabing sakit ang pagkakaroon ng spotting ilang liggo matapos ang buwanang dalaw po ng isang babae.
Bukas naman sa mga kababaihan ang libreng pagpapa screening sa naturang sakit magin ang paggamot dito sa pamamgitan ng kanilang mga katuwang na ospital, PhilHealth at sa mga Malasakit Center.
Binigyan diin naman ni Monrey ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang kaalaman patungkol dito at agarang pagkakadiagnose upang maagapan pa at hindi na maging dahilan pa sa kamatayan ng isang babae.
Sa ngayon, pormal nang binuksan ang regional launching ng Cervical Cancer Screening ngayong buwan ng Mayo sa may bahagi naman ng Bicol Region.