NAGA CITY- Kalungkutan ang bumalot sa mga ka-barangay ni yumaong National Artist Nora Aunor nang kanilang mabalitaan ang pagpanaw nito. Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Arthur Sedilla, ka-barangay ng yumaong aktres, sinabi nito na tuwing uuwi sa kanilang bayan ang noon ay bata pang si Nora Aunor nalalapitan at approachable naman umano ito kahit tinitingala sa buong bansa.
Noong kabataan umano nang namayapang aktres, nagbebenta ito ng tubig sa train station malapit sa kanilang bahay dahil sa hirap ng buhay at upang makatulong sa kanilang mga magulang.
Hindi umano madali ang naging buhay ni Nora Aunor bago sumikat dahil nagmula ito sa mahirap na pamilya at nagsumikap upang makaahon sa buhay.
Si Nora Aunor o mas kilala sa kanilang lugar bilang si Nora Cabaltera Villamayor ay isinilang sa Barrio San Francisco sa lungsod ng Iriga sa lalawigan ng Camarines Sur.
Unang nakilala si Nora Aunor bilang mang-aawit noong 1960s bago pumasok sa paggawa ng pelikula. Tumatak ang pangalan nito sa mundo ng film and television industry dahil sa kanyang angking galing.
Ang mga tumatak nitong ginampanan na karakter ay mula sa maraming pelikula gaya na lakmang ng Himala noong 1982, “Bulaklak sa City Jail” in 1984 “The Flor Contemplacion Story” in 1995 at marami pang iba.
Itinanghal itong Best Actress sa Gawad Urian at FAMAS para sa “Tatlong Taong Walang Diyos, nakapag-uwi rin grand slam trophies mula sa Gawad Urian, FAMAS, Film Academy of the Philippines, Metro Manila Film Festival at sa Philippine Movie Press Club.
Si Nora Aunor ay iprinoklama bilang National Artist for Film and Broadcast Arts noong taong 2022 dahil sa kanyang hindi matatawaran na galing sa pag-arte na pinatunayan nang kanyang mga natanggap na pagkilala from local at international organizations.
Samantala, si Nora Aunor ay naikasal sa aktor na si Christopher de Leon noong January 1975 at nagkaroon ng isang anak na si Ian de Leon, at apat na adopted children na sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth.
Ngunit noong taong 1996 ay na-annulled ang kanilang kasal. Sa ngayon, para sa mga taga Barangay San Francisco sa lungsod ng Iriga mananatili ang kanilang walang kapantay na pagmamahal at pagrespeto para sa aktres na hindi matatawaran ang galing at talento at habangbuhay na nakaukit ang kanyang legasiya sa entertainment Industry ng bansa