NAGA CITY – Nananatiling proud ang mga kamag-anak ni Miss Universe Philippines Celeste Cortesi sa kabila ng kabiguan nito na makapasok sa semi-finals ng 71st Miss Universe pageant na ginanap sa New Orleans, Louisiana USA.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Johannes Ramibi Cajade, ang first cousin ni Celeste na taga-Sipocot, Camarines Sur, anuman ang naging resulta sa kakatapos pa lamang na koronasyon, ipinagmamalaki nila ang Pinay beauty Queen dahil sa ipinakita nitong performance sa nasabing kompetisyon.

Hindi umano kasi madali ang pinagdaanan ng beauty Queen sa journey nito bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe stage kung kaya wala ring dapat magkwestyon sa kakayahan nito batay naman sa resulta ng nabanggit na Pageant.

Matatandaan, bigong makapasok ang pambato ng Pilipinas na si Miss Universe Philippines Celeste Cortesi sa Top 16 post na nagtapos sa semi-finals streak ng Pilipinas sa nasabing prestihiyosong pageant.

Ito ang unang pagkakataon na hindi nakapasok ang Pilipinas sa semi-final placement sa Miss Universe mula noong stint ni Venus Raj noong 2010.

Dagdag pa ni Cajade, lahat ng kamag-anak ni Celeste sa Sipocot ang tumutok sa laban nito at nagpakita ng suporta sa anuman na uri ng pamamaraan upang makatulong sa dalaga.

Sa kabila ng resulta, normal na tinanggap ito ng mga kamag-anak ni Celeste dahil anuman umano ang kanilang nararamdaman ay hindi na nito mababago pa ang resulta ng koronasyon.

Sa ngayon, nananawagan na lamang ang mga kapamilya ni Celeste sa lahat ng mga Piniy na ihinto ang paninisi sa dalaga maging ang mga pangba-bash ng mga ito gamit ang social media dahil wala naman itong mabuting maidudulot sa Pinay Beauty Queen at sa buong Pilipinas.

Ang kinakailangan umano ngayon ay ang suporta at pagmamahal pa rin para kay Miss Universe Philippines Celeste Cortesi na ibinandera ang ganda at talento nang isang Pilipino.