NAGA CITY – Muling nagpalabas ng kautusan patungkol sa pagpatupad ng house lockdown ang lokal ng pamahalaan ng lungsod ng Naga kaugnay ng COVID-19 pandemic.
Ayon dito, binibigyan na ng kapangyarihan ang mga kapitan ng mga barangay na magpatupad ng house lockdown sa kanilang mga nasasakupang lugar, kung may magpositibo sa naturang sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dayangdang Barangay Captain Julius Ceasar Sanchez, sinabi nito na ng nakaraang araw ay nagsagawa ng refresher seminar-workshop sa lungsod patungkol sa nasabing kautusan.
Aniya, ang layunin ng nasabing hakbang ay para mapagaan ang trabaho ng mga contact tracers at hindi na nila kailanganin pang maglibot pa sa iba’t-ibang mga barangay para lamang sa impelmentasyon ng house lockdown.
Ayon pa sa kapitan, ang mga contact tracers na rin ng bawat barangay ang magbibigay at magdedeliver ng mga food packs at health kits sa mga bahay na naka-house lockdown sa loob ng 14 na araw.
Sa ngayon, hangad na lamang ni Sanchez na patuloy na magtulungan at magkaisa sa patuloy na paglaban kontra sa COVID-19 pandemic.