Ibinasura ng Sandiganbayan ang dalawang magkahiwalay na kaso laban sa pamilya Marcos at Romualdez kaugnay ng umano’y ill-gotten wealth, dahil sa matagal na pagkaantala ng paglilitis at mga teknikal na usaping legal.

Sa resolusyon ng Second Division ng Sandiganbayan, pinaboran sina dating Pangulong Ferdinand Marcos, dating Unang Ginang Imelda Marcos, at Juan Ponce Enrile sa isang civil case na inihain noong 1987.

Ayon sa korte, ibinasura ang kaso dahil sa tinatawag na inordinate delay, kung saan umabot ng halos 40 taon ang pagdinig—isang paglabag umano sa karapatan ng mga akusado sa mabilis na paglilitis.

Tinanggihan din ng korte ang apela ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na muling buksan ang kaso.

Advertisement

Ipinunto ng mga mahistrado na naapektuhan na ang kakayahan ng depensa na magtanggol dahil sa pagkawala ng mahahalagang ebidensya at pagpanaw ng ilang saksi sa paglipas ng panahon.

Gayunpaman, nilinaw ng korte na magpapatuloy pa rin ang pagdinig laban sa iba pang natitirang akusado sa kaso.

Samantala, sa hiwalay na desisyon ng Sixth Division, ibinasura rin ang kaso laban sa yumaong dating Leyte Governor na si Benjamin Romualdez kaugnay ng mahigit $5 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Ibinatay ang desisyon sa prinsipyo ng judicial stability o non-interference, kung saan hindi na maaaring pakialaman ang naunang desisyon ng Fourth Division na nagpalaya sa naturang pondo noong 2025.

Dagdag pa ng korte, ang matagal na pagkaantala ng kaso ay indikasyon na rin ng pag-abandona ng estado sa paghahabol dito.

Ang dalawang kasong ito ay bahagi ng matagal nang pagsisikap ng pamahalaan na mabawi ang mga pondong umano’y nakamkam noong nakaraang administrasyon.

Advertisement