NAGA CITY- Patuloy na nakamonitor ang lokal na pamahalaan ng Iriga sa lagay ng panahon matapos na maitala ang pagbaha sa ilang area sa nasabing lungsod kahapon dahil na rin sa pagbuhos ng malakas na ulan.

Maaalala, unang naitala ang pag-apaw ng tubig sa bahagi ng Iriga City na umabot pa sa baywang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Maharlika Ramon Oaferina, City Administrator ng Iriga City, sinabi nito na patuloy ang isinasagawang assessment ng kanilang hanay sa mga binahang lugar upang malaman ang naging epekto nito.

Binubuksan nila ang mga manhole at nagsasagawa rin ng inventory ng mga drainage system maging ang mga kanal na ginawa na hindi naman sa lokal na pamahalaan ng Iriga.

Advertisement

Dagdag pa ng opisyal, mabilis naman na humupa ang baha at sa ngayon passable na ang mga binahang area ngunit nakabantay pa rin ang kanilang opisina lalo pa’t nakakaranas pa rin ng panaka-nakang pagbuhos ng ulan sa lugar.

Samantala, maliban sa lungsod ng Iriga nalubog din sa tubig baha ang ilang lugar sa lalawigan ng Camarines Sur at lungsod ng Naga matapos ang ilang oras lamang na malakas na pag-uulan.

Kasama sa mga nalubog sa baha ang nasa 19 na classroom sa Julian B. Meliton Elementary School at sa iba pang barangay sa lungsod ng Naga at lalawigan ng Camarines Sur.

Kaugnay nito, pinapayuhan naman ang lahat na mga residente lalo na ang nasa mababang lugar na maging alerto at sumunod sa abiso ng mga otoridad.

Sa ngayon, nakakaranas pa rin ng pag-uulan sa lalawigan ng Camarines Sur at Naga City kung kaya patuloy na pinapag-ingat ang lahat.

Advertisement