NAGA CITY- Kinumpirmang muli ng Department of Agriculture (DA) ang anim na panibagong kaso ng African Swine Fever sa ilang barangay sa lalawigan sa Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay DA-Bicol Information Officer Emily Bordado, sinabi nitong kumpirmadong positibo sa nasabing sakit ang Brgy. Balongay sa Calabanga sa nasabing lalawigan maging ang lima pang Brgy. sa Magarao na kinabibilangan ng Sta. Lucia, Sto. Tomas, San Miguel, San Pantaleon at Sta. Rosa.
Ayon kay Bordado, isinagawa ang sampling sa mga baboy sa nasabing lugar matapos na makitaan ng pathognomonic signs, lesions at nairehistrong pagkamatay ng mga ito.
Aniya, agad naman silang nagpatupad ng 1-7-10 protocol biosafety measures upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Samantala, tiniyak naman ni Bordado na mas doble at pinahigpit ngayon ang kanilang checkpoints sa lahat ng entry at exit points sa Naga City maging sa Camarines Sur.
Kung maaalala, maliban sa naturang mga lugar una nang naitala ang nasabing sakit sa bayan ng Bombon at Brgy. Sta. Salud sa Calabanga sa nasabing lalawigan.