NAGA CITY – Tila ipinagbili aniya ni Pangulong Ashraf Ghani an mga mamamayan ng Afganistan sa mga taliban.
Ito ang sinabi ni Bombo International News Correspondent Maroof Malekyar mula sa Afghanistan sa panayam ng Bombo Radyo Naga kaugnay ng paglisan ng nasabing pangulo ng masakop ng mga Taliban ang nasabing bansa.
Sinabi nito na hindi aniya natuwa ang mga Afghan sa ginawang pagtakas ng kanilang pangulo dahil nanumpa ito sa kanila na bibigyan nito ng magandang buhay ang kaniyang mga mamamayan.
Wala din aniyang natirang pera sa mga Afghan dahil ang perang sana ay para sa mga Afghan ay tinangay pa ng pangulo sa kanyang paglisan.
Mababatid na isinama pa ng pangulo ang mahigit sa $160 million na pera ng pamahalaan sa kaniyang pagtakas.
Naniniwala din si Malekyar na maaring nagamit sana nila ang nasabing pera sa kanilang bagong buhay sa kabila ng kalagayan ng mga ito sa lugar.
Binigyang-diin din ni Malekyar na kung sana nanatili at lumaban ang kanilang pangulo ay susuportahan nila ito laban sa mga taliban.
Dagdag pa nito, hindi aniya sila papayag na makatungtong pa ng muli ng Afghanistan ang tumakas na pangulo at wala na rin aniya itong lugar sa kanilang bansa.
Sa ngayon, panawagan na lamang ni Malekyar sa lahat ng mga bansa na sana’y matulungan sila sa kabila ng hirap ng buhay na dinadanas nito sa Afghanistan.