NAGA CITY- Patuloy na inaabisuhan ang mga biyahero at mga malalapit na residente sa Maharlika Highway, Barangay Bikal, Libmanan, Camarines Sur na mag-ingat dahil sa naitalang active tension crack sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Erning Espiritu, Barangay Kapitan ng Brgy. Bikal, Libmanan, Camarines Sur, sinabi nito na sa kanilang isinagawang inspeksyon sa area kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Libmanan maituturing na lubhang peligroso ang nasabing bitak dahil posible itong maging dahilan sa tuluyang pagguho ng buong bahagi ng nasabing kalsada.
Maalala, hindi na madaanan ang kaliwang bahagi ng kalsada sa nasabing area matapos itong mag-collapse dulot ng malakas na pag-ulan ngunit nananatiling passable ang natitirang isang lane para sa lahat ng uri ng sasakyan.
Dagdag pa ng opisyal, mas lalo pang nag-extend ang nasabing bitak papunta sa mga sementadong bahay na malapit sa lugar kung saan nagpapatuloy ang galaw nito.
Ang nasabing paggalaw ay lubhang delikado sa publiko kung kaya kaagad naman na tinugunan ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at naglagay ng safety cones at plastic road barriers upang pigilan ang mga motorista na gumamit ng nasirang bahagi ng kalsada.
Kaagad rin na inilikas ang mga apektadong mga residente upang maiwasan ang mas malaki pang problema. Ngunit isa rin sa nagiging suliranin ng Barangay ang relocation site para sa mga naapektuhan na mga residentes dahil hindi umano maiwasan na bumalik ang mga ito sa area kahit mahigpit na ipinagbabawal.
Sa ngayon, patuloy ang DPWH-Bicol sa pag-aayos ng nasabing kalsada at patuloy din na pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat at sundin ang mga itinakdang babala sa lugar.