NAGA CITY – Isinailalim na sa Mental Health Psychosocial Services ang mga pamilyang naapektuhan ng nangyayaring earthquake swarm sa Ragay Camarines Sur.
Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development Office kasama ang MSWDO at Department of Education (DepEd) ang nasabing aktibidad.
Ito’y matapos na makaramdam ng takot ang mga residente habang ang iba ay natrauma pa dahil sa naranasang sunod-sunod na pagyanig sa lugar noong weekends na naramdaman din sa mga karatig bayan sa lalawigan pati sa lalawigan ng Camarines Norte at lalawigan ng Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Robelyn Mangahas-Flores, Team leader ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS)-Ragay, sinabi nito na maliban pa dito nagkaroon na rin ng assessment sa mga evacuation centers maging sa mga pangangailangan ng mga residente sakali na umabot pa sa Magnitude 5 ang lindol.
Aniya, ang dahilan ng sunod-sunod na pagyanig ay dahil sa naidentify na active fault kung saan isa na dito ang Legazpi lineament at offshore o extension ng Philippine fault na dumadaan sa Guinayangan patungo sa Masbate.
Maliban pa dito posible umano na mayroon ring mga bagong fault na hindi pa nakikita na posibleng natabunan ng mga bagong depositong lupa.
Base sa record ng opisina, na posibleng ang pinagmumulan ng earthquake swarm ay ang tinatawag na strike slip fault o ang paggalaw ng fault na pa-horizontal o pahalang.
Samantala, umabot na sa 121 an naitalang paggalaw ng lupa mula pa noong Hunyo 7, 2023.
Maaari rin umanong tumagal ng hanggang ilang buwan ang nararanasang earthquake swarm, ngunit binigyan diin naman ni Flores na hindi naman ito magdadala ng anuman na pinsala lalong-lalo na sa mga well-built buildings.
Dagdag pa ng opisyal na ang mga naiitalang paglindol ay nasa in-land o nasa kalupaan kung kaya sa kasalukuyan wala pa namang nakikitang magiging dahilan ito ng pagkakaroon ng tsunami sa mga apektadong lugar.
Sa ngayon, paalala na lamang ni Flores sa lahat kung sakaling nakakaranas ng paglindog isagawa ang Drop, Cover, and Hold kung nasa loob ng isang building at pagtapos pagyanig agad na lumabas sa mga building upang ma-check ng mga eskperto.