NAGA CITY – Umabot na sa mahigit 2 milyon na commuters ang nakinabang sa Libreng-Sakay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Group-Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Aive Vargas, Communications Development Officer ng LTFR-V, sinabi nito na noong nakaraang linggo, maliban sa Legazpi-Naga route, nadagdagan rin ng tatlong routes na onboarded katulad ng Minalabac-Naga, sa kasentrohan ng lungsod at mayroon namang 15 units na ekslusibo para sa mga healthcare workers na nilunsad noong Hunyo 8.
Aniya, provincial-wide ang pagkakaroon ng Libreng-Sakay ngunit nalilimitahan ang mga ito sa aplikasyon ng mga transport cooperative kung kaya patuloy ang paghihikayat ng LTFRB sa nasabing sektor para makiisa sa kanilang programa.
Dahil dito, umaasa naman ang LTFRB na magkakaroon ng Phase 4 ang Libreng-Sakay kung kaya patuloy naman ang pag-tanggap nila ng mga aplikasyon sa mga gustong tumulong sa programa ngunit naka-depende pa ito sa budget ng kanilang opisina kung kailan makaka-arangkada ang mga sasakyan.
Samantala, sakali man na matapos na ang Libreng-Sakay, mayroon pang mga subsidiya na ibinibigay ang opisina bilang tulong sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo sa bansa.