NAGA CITY- Bibigyan ng tulong ng Department of Trade and Industry (DTI)-Camarines Sur ang mga negosyanteng lubhang naapektuhan ng nagdaang bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jay Percival Ablan, Provincial Director ng DTI-Camarines Sur, sinabi nito na mayroon silang police power gayundin ang developmental works. Kung saan, ang developmental works ay naaayon sa kasalukuyang sitwasyon sa Camarines Sur lalo pa’t naapektuhan ang lalawigan ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Ablan, mayroon silang help desk na maaari nilang bisitahin sa iba’t ibang Negosyo Center at kanilang opisina.
Bukod dito, mayroon din silang loan program na tinatawag na, enterprise rehabilitation financing para sa mga small business financing corporations na may kabuuang halaga na P1 milyon. Kung saan, ang isang negosyante ay maaaring humiram ng P300,000 at ito ay maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.
Nilinaw din ni Ablan na sa unang taon ng pagbabayad, ito ay walang interes at magkakaroon lamang ng 1% na interes kada buwan sa susunod na dalawa at tatlong taon. Bilang karagdagan dito, mayroon din itong 3 buwang grace period.
Pinasimple na rin ang mga requirements dahil bukod sa online application, kailangan lang magpresent ng Mayor’s permit para sa 2023 at 2024 ngunit kung wala nito ay pwede ring kumuha ng barangay clearance, at kung wala talang anumang mga dokumentong ipapakita, maaari itong magpa-certified sa Business permit Officer ng munisipyo o lungsod o sa mga Barangay Captain.
Layunin nito ay upang matulungan ang mga negosyante na makabawi sa kanilang pagkalugi dahil sa bagyong Kristine at bagyong Pepito.
Samantala, nasa 300 na negosyante sa Camarines Sur na ang naaprubahan. Aniya, magandang indikasyon ito na maraming negosyante ang interesado.