NAGA CITY – Tila nawalan ng pag-asa ang mga Pinoy sa Lebanon kaugnay ng COVID-19 crisis matapos mamatay ang Ambassador ng Phil Embassy ng Lebanon na si Bernardita Catalla.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Evangeline Ramilo, sinabi nitong ang naturang Ambassador na lamang aniya ang tangi nilang kinakapitan ngunit sa kasamaang palad ay namatay pa ito.
Ayon pa sa kaniya, bago pa man ang pagkalat ng COVID-19, madami ng nangyayaring mga rally sa naturang bansa.
Aniya, nakakapanghinayang ang sakripisyo na ginawa ng kanilang Ambassador dahil sa hindi mapigilang kaguluhan na mismong mga Lebanese ang may gawa.
Samantala, nakikitira at umaasa na lamang sila sa mga kakilala dahil magmula ang lockdown sa bansa ay nawalan na rin sila ng trabaho at kita.
Sa ngayon, hindi na aniya nila alam kung paano ang kanilang magiging buhay sa naturang bansa dahil sa nararanasang krisis.
Kung maaalala namatay ang naturang Ambassador ng Abril 2, 2020 dahil sa COVID-19.